Matiwasay ang pagbabalik-eskwela ngayong Lunes para sa libo-libong estudyante ng Rizal High School sa Pasig City, ang pinakamalaking pampublikong paaralan sa lungsod.
Pormal na sinimulan ang panibagong taong pampaaralan sa isang flag ceremony na pinangunahan ni School Principal Richard Santos. Tinatayang mahigit 11,000 ang mga estudyante ng Rizal High School ngayong taon, at inaasahang tataas pa ang bilang habang nagpapatuloy ang enrollment.
Nagkaroon din ng ilang aktibidad at gimik para sa masayang pagbabalik-eskwela. Naglagay ang paaralan ng mascot na wangis ng isang estudyante na maaaring lapitan para mag-selfie.
Kapansin‑pansin ang maigting na seguridad sa campus upang tiyakin ang kaligtasan ng mga mag‑aaral. Sa mga entrance, iniinspeksyon ng mga security personnel ang mga dala-dalang gamit upang pigilan ang pagpasok ng mga matatalim o ipinagbabawal na bagay — alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na gawing ligtas ang ating mga paaralan.
Samantala, anim na estudyante ang nakaranas ng pagkahilo at isang estudyante ang nahimatay bunsod ng init at siksikan sa field sa flag ceremony. Agad naman silang nalapatan ng paunang lunas at naisugod sa clinic ng paaralan; kasalukuyan silang nasa maayos at ligtas na kalagayan.