Kasabay ng pagbabalik-eskwela ng mga estudyante, nagsagawa ng inspeksiyon si LTFRB-NCR Regional Director Atty. Zona Tamayo sa ilang school zones sa Metro Manila.
Kabilang sa kanyang binisita ang bahagi ng Batasan Hills sa Quezon City, kung saan magkatapat ang President Corazon C. Aquino Elementary School at Batasan Hills National High School.
Ayon kay Tamayo, layon ng inspeksiyon na tiyaking may sapat na pampublikong sasakyan para sa mga estudyante at masigurong may kaukulang prangkisa ang mga school transport service, partikular sa mga pribadong paaralan.
Tiniyak din niya na paiigtingin ng ahensya sa mga susunod na araw ang operasyon laban sa mga colorum na sasakyan, lalo na ang mga nagsasakay ng mga estudyante, gayundin ang mga lumalabag sa pagbabawal sa overloading.
Patuloy rin ang inspeksyon ng LTFRB sa mga school transport service upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral.
Kasabay nito, muling pinaalalahanan ng ahensya ang mga motorista na pairalin ang disiplina sa kalsada at mag-ingat lalo na sa mga school zone para maiwasan ang anumang aksidente.