Ihaharap sa Malolos City Regional Trial Court Branch 20 ang contractor na si Pacifico Curlee Discaya na isa sa mga pangunahing sangkot sa maanomalyang flood control projects.
Ito ang inihayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla sa Philippine National Police (PNP) Press Corps kasunod ng inilabas na Warrant of Arrest ng korte laban kay Discaya matapos isampa ng Ombudsman ang kaso laban dito.
Kasalukuyang nakakulong sa Senado si Discaya matapos siyang patawan ng contempt dahil sa magkakasalungat na pahayag nito sa mga naging pagdinig tungkol sa naturang anomalya.
Ayon kay Remulla, alas-7 ng umaga inaasahang susunduin sa Senado si Discaya ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) para ihain ang Warrant of Arrest.
Gayundin ay para isailalim siya sa booking procedure at pagsasadokumento.
Saka siya ihahatid sa Malolos City RTC para sa Return of Warrant at saka susundan ng pulong-balitaan. | ulat ni Jaymark Dagala