Nagpatupad ng mas komprehensibong reporma ang Department of Education (DepEd) sa sektor na pakikinabangan ng 26 na milyong mag-aaral sa buong bansa na magbabalik-eskwela ngayong araw.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, patatatagin ng mga repormang ito ang paghahatid ng de-kalidad na edukasyon sa 45,000 mga pampublikong paaralan at magbibigay suporta naman sa mahigit 900,000 mga guro.
Naglabas ng mga alituntunin si Angara sa Three-Term School Calendar, Learning Continuity in Emergencies, pinaigting na Lesson Planning and Learning Design, gayundin, ang updated na Assessment and Grading policy, at ang pagpapatupad ng Strengthened Senior High School Curriculum sa buong bansa.
Ayon kay Angara, layunin ng mga reporma na tulungan ang mga paaralan na mag-focus sa pinakamahalaga: mas mahusay na pagkatuto at mas malinaw na suporta para sa mga guro.
Kaakibat aniya ng mga repormang ito ang direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pataasin ang kalidad ng edukasyon at tiyaking handa ang mga paaralan, mag-aaral, at guro sa mga hamon at oportunidad ng mabilis na nagbabagong panahon.


