Kasabay ng pagbabalik eskwela ng mga estudyante ngayong Lunes, naglabas ng ilang paalala ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para sa mga driver, operator, at commuter.
Ayon sa LTFRB, mahalagang tiyakin ng mga motorista na nasa maayos na kondisyon ang kanilang mga sasakyan bago bumiyahe para maiwasan ang aksidente at aberya sa kalsada.
Pinayuhan din ang mga driver na magmaneho ng maingat at sumunod sa itinakdang speed limits, lalo na sa mga lugar na malapit sa mga paaralan.
Binigyang-diin din ang kahalagahan ng pagbibigay-prayoridad sa mga pedestrian, partikular sa mga school zone at tawiran ng mga estudyante.
Pinaalalahanan rin ang mga operator at driver na iwasan ang overloading at tiyaking sa mga awtorisadong loading at unloading areas lamang magsasakay at magbababa ng mga pasahero.
Ayon sa LTFRB, layon ng mga hakbang na matiyak ang ligtas at magiging maayos ang pagbyahe ng mga mag-aaral at iba pang mananakay ngayong balik-eskwela.