Aabot sa 55,000 mga tauhan buhat sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan ang sama-samang magtitiyak ng seguridad, gayundin ng kaayusan sa pagbubukas ng klase ngayong araw.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief, Police Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., mula sa nasabing bilang, aabot sa 32,830 mga pulis ang kanilang ipakakalat sa buong bansa.
Nasa 28,751 dito aniya ang mula sa iba’t ibang presinto habang nasa 4,079 naman dito ang magmumula sa iba’t ibang yunit ng Pulisya.
Sasamahan pa sila ng 22,677 na force multipliers mula sa mga Lokal na Pamahalaan, Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG), gayundin ng iba pang ahensya gaya ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), at iba pa.
Dagdag pa ng PNP Chief, naglatag din sila ng mahigit 9,300 Police Assistance Desk sa buong bansa habang nasa 9,525 mobile patrol unit ang magpapalakas ng presensya ng Pulisya.
Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na iparamdam ang presensya ng Pulisya sa bawat komunidad sa buong bansa para sa pagbubukas ng klase nang hindi naaapektuhan ang mga regular na operasyon laban sa krimen.