Balik-eskwela na ngayong Lunes, June 8, ang mga mag-aaral ng President Corazon C. Aquino Elementary School sa Batasan Hills, Quezon City.
Bago mag-alas-6 ng umaga ay isinagawa ang flag-raising ceremony, kasunod ang isang morning exercise kung saan sabay-sabay na nakiisa ang mga guro at mag-aaral.
Ayon kay Principal Dr. Gerry Isip, umabot na sa halos 7,900 ang bilang ng mga naka-enroll sa paaralan at inaasahan pang madaragdagan ito dahil sa late enrollees.
Gaya naman ng karaniwang eksena tuwing pagbubukas ng klase, may ilang mga batang naiiyak habang may mga magulang ding nais samahan ang kanilang mga anak sa loob ng paaralan, bagay na hindi na pinahihintulutan ng administrasyon.
Ayon kay Dr. Isip, patuloy nilang pinauunawa sa mga magulang na ligtas at maayos ang kalagayan ng kanilang mga anak sa loob ng silid-aralan.
Samantala, personal na tinutukan nina DepEd-NCR Regional Director at Assistant Secretary Jocelyn Andaya at Quezon City Schools Division Superintendent Dr. Carleen Sedilla ang pagbubukas ng klase sa naturang paaralan.
Ininspeksiyon din ng mga opisyal ang kalagayan ng mga silid-aralan, kabilang ang mga partition classrooms na ginagamit para matugunan ang kakulangan sa pasilidad.
Sinabi naman ni Dr. Isip, na nakikipagtulungan na ang Quezon City Government para malagyan ng soundproofing ang partition classrooms at mabawasan ang ingay habang isinasagawa ang mga klase.