Nasa 100 mahihirap na munisipalidad ang tinututukan ng pamahalaan sa gitna ng pagnanais ng Marcos Administration na mabigyan ng atensiyon ang kakayahang makapagbasa ng mga mag-aaral.
Sa ilalim na din ito ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro ng BBM o Bawat Bata Makababasa Program.
Sinabi ni Castro na base na din sa kanilang pakikipag-ugnayan kay Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara ay tututukan sa ilalim ng programa ang progreso ng mga batang estudyante na makabasa.
Gagawin aniya ito sa pagsisimula ng pagbubukas ng klase kung saan ay magkakaroon na ng pagtaya sa reading skills ng mga bata na magtutuloy-tuloy ang assessment ng progreso simula mid-year ng klase hanggang sa pagtatapos ng school year.
Dagdag ni Castro na ikakasa din ang achievement test na nakapaloob sa Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program Act na sisimulan ang implementasyon ngayong taon.
Layunin nitong tulungan ang mga mag-aaral na nahuhuli sa kanilang pag-aaral, lalo na sa pagbasa, matematika, at agham.