Pinangunahan ng Philippine Coast Guard (PCG), sa ilalim ng pamumuno ni Admiral Ronnie Gil Gavan, ang pagtatatag ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Coast Guard Forum (ACF) sa panahon ng chairship ng Pilipinas sa ASEAN Summit 2026.
Ayon sa pahayag ng PCG, pinal na ang pagbuo ng konsepto at terms of reference ng ACF mga dokumentong magsisilbing batayan ng mandato, saklaw, istruktura, at magiging direksyon ng naturang forum—matapos ang ginanap na 5th ACF High-Level Meeting (HLM) na in-host ng Pilipinas mula Miyerkules hanggang Huwebes.
Sa naturang pulong, pinagtibay din ang isang joint declaration bilang suporta sa pormal na pagtatatag at pagkilala sa ACF sa loob ng ASEAN framework. Napagkasunduan din na ang Pilipinas, bilang kasalukuyang ASEAN Chair, ang maghahain ng ACF concept paper at joint declaration sa ASEAN Summit sa ngalan ng lahat ng kasaping bansa.
Binigyang-diin ng PCG na kinikilala ng ACF ang naging pahayag ng mga lider sa 48th ASEAN Summit noong Mayo, kung saan inaprubahan ang deklarasyon hinggil sa maritime cooperation na naglalayong isulong ang mas pinalakas na ACF.
Ayon pa sa ahensya, ang mga hakbang na ito ay sumasalamin sa iisang layunin ng mga bansang ASEAN na magkaroon ng ligtas, maayos, at rules-based na kaayusan sa karagatan sa rehiyon.
Nagkasundo rin ang mga kalahok na isulong ang ACF bilang isang subsidiary body ng ASEAN Senior Officials’ Meeting (SOM), bilang hakbang tungo sa ganap nitong institusyonalisasyon sa loob ng ASEAN.
Binigyang-diin din sa pagpupulong ang kahalagahan ng mas pinalakas na praktikal na kooperasyong maritime sa pagitan ng mga coast guard at maritime law enforcement agencies sa ASEAN sa pamamagitan ng dialogue, palitan ng impormasyon, capacity-building programs, at operational coordination upang tugunan ang mga lumalalang hamon sa karagatan.
Iminungkahi rin ng mga delegado ang mga susunod na aktibidad ng ACF at posibleng suporta mula sa United Nations Office on Drugs and Crime at sa Korea-ASEAN Maritime Safety Academy project ng Korea Coast Guard.
Dumalo sa 5th ACF-HLM ang mga delegasyon mula Brunei Darussalam, Cambodia, Indonesia, Lao PDR, Malaysia, Myanmar, Pilipinas, Singapore, Thailand, Timor-Leste, at Vietnam.


