Tiniyak ni First Lady Liza Marcos ang commitment ng Pilipinas sa pagtanggap ng mga international students na aniya’y nagtiwala sa Filipino education.
Ang garantiya ay ginawa ng Unang Ginang sa harap ng pakikipag-ugnayan ng tanggapan nito sa mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan para tugunan ang aniya’y concern ng mga Indian medical students na nag-aaral sa Pilipinas.
Ayon kay First Lady Liza, ilan dito ay may kinalaman sa pagpapabilis pa sa pagpoproseso ng visa na nabanggit ng mga dayuhang estudyante na aniya’y kanila nang natalakay.
Kabilang din aniya sa dapat na matutukan ang pag-alis sa mga tinaguriang unnecessary burdens sa mga mag-aaral at pagpapalakas pa ng kailangang koordinasyon sa pagitan ng mga paaralan at ahensiya ng pamahalaan.
Pagbibigay-diin ng Unang Ginang na kung nais maging educational hub ang bansa, dapat na ayusin ang sistema at gawing madali sa mga dayuhang mag-aaral ang pagtuklas ng karunungan sa Pilipinas.