Mariing kinondena ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang napaulat na hit-and-run incident sa isang rider ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) sa South Luzon Expressway.
Sa kumalat na video sa social media, kita ang umano’y pagbangga ng isang SUV sa pulis na sakay ng motorsiklo bago tuluyang tumakas nang hindi humihinto.
Ayon kay NAPOLCOM Chief Commissioner Rafael Calinisan, nakakaalarma ito dahil hindi lamang ang pulis ang nalagay sa panganib kundi maging ang iba pang motorista sa kalsada.
Inaasahan naman nito ang magiging mabilis na aksyon ng PNP-HPG para agad matukoy ang driver ng sasakyan at masampahan ito ng kaukulang kaso.
“Dapat managot ang may gawa sa buong bigat ng batas. Walang lusot. Walang espesyal na pagtrato. Walang sinuman ang may karapatang gumamit ng bilis, galit, o kapabayaan para takasan ang pananagutan o ilagay sa panganib ang buhay ng iba,” pahayag ni Calinisan.