Inaasikaso na ng National Housing Authority (NHA) ang mga pabahay nito sa Bulacan para sa pagdating ng 91 pamilyang bumubuo sa tinaguriang “Tunnel Community” o ang mga naninirahan sa ilalim ng Osmeña Highway sa Maynila.
Sa direktiba ni NHA General Manager Joeben A. Tai, pinabilis na ng NHA Region III ang mga kinakailangang paghahanda para sa relokasyon ng mga ito lalo’t lubhang mapanganib ang kanilang tinitirhan.
Sa mga susunod na linggo, target ng NHA na mailipat na ang mga pamilyang ito sa ligtas, matatag, at komportableng mga tahanan ng NHA sa St. Ildefonsus Housing Project sa San Ildefonso, Bulacan.
Bahagi ito ng patuloy na hakbang ng pamahlaan para matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng informal settler families na naninirahan sa mga danger area, daanan ng baha at iba pang mapanganib na lugar.