Isinusulong ni Nueva Vizcaya Lone District Representative Timothy Joseph “Tim” Cayton ang panukalang magpataas sa pondo para sa edukasyon ng mga lokal na pamahalaan, sa pamamagitan ng pagtaas ng Special Education Fund (SEF) levy mula 1% na maging 3%.
Sa ilalim ng House Bill No. 9227 o “Strengthened Special Education Fund Act of 2026,” layunin ng panukala na mabigyan ng sapat na pondo ang mga pampublikong paaralan para sa konstruksiyon at rehabilitasyon ng classrooms, pagbili ng instructional materials, learning recovery programs, sanitation facilities, at iba pang pangangailangan ng mga estudyante at guro.
Ayon kay Cayton, matagal nang hindi naa-adjust ang kasalukuyang SEF rate kahit patuloy na tumataas ang gastos sa edukasyon at dumarami ang pangangailangan ng mga paaralan.
Binigyang-diin din ng mambabatas, na malaking tulong ang dagdag na pondo upang masuportahan ang local school boards at mga LGU sa pagtugon sa kakulangan sa pasilidad at resources sa mga pampublikong paaralan.
Ayon kay Cayton, ang pagtaya sa edukasyon ay pagtaya sa kinabukasan ng bansa at nararapat lamang na mabigyan ito ng sapat at napapanahong suporta.