Pinaghahanda na ng National Electrification Administration (NEA) ang electric cooperatives (ECs) partikular sa Mindanao kasunod ng magnitude 7.8 na lindol sa Sarangani.
Sa inilabas na abiso ng NEA, inatasan ang mga apektadong electric cooperative na agad magsumite ng status report hinggil sa kalagayan ng kanilang mga pasilidad matapos ang pagyanig.
Pinakikilos na rin ang mga electric cooperative na i-activate ang kani-kanilang Emergency Response Organization at ihanda ang mga contingency measure para matiyak ang mabilis na pagtugon sa ano mang pinsalang maidudulot ng lindol.
Pinatitiyak din ng ahensya na naka-preposition ang mga kinakailangang kagamitan, materyales, at buffer stocks para sa agarang power restoration sakaling magkaroon ng pagkasira sa mga linya at pasilidad ng kuryente.
Una nang sinabi ng PHIVOLCS, na posible ang mga pinsala sa imprastraktura, malalakas na aftershock, at maging ang banta ng tsunami kasunod ng malakas na lindol.#