Courtesy of Presidential Communications Office
Ginarantiya ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na hindi bibitiwan ng pamahalaan ang Mindanao kasunod ng pagyanig na tumama dito partikular sa Saranggani ngayong Lunes ng umaga, June 8.
Ayon sa pangulo, kumikilos ang national government para tugunan ang agarang pangangailangan ng mga taga – Mindanao na naapektuhan ng malakas na lindol.
Dagdag ng pangulo na patuloy din ang kanyang pakikipag-ugnayan sa concerned regional office pati na sa mga local chief executive na nasa ground.
Kaugnay nito’y tiniyak din ng Pangulo na magbibigay sila ng update o pinakahuling mga ulat na may kinalaman sa ginagawang aksiyon ng gobyerno.
Una dito ay nagbigay na ng kautusan ang pangulo sa DSWD na maghanda at matiyak ang kailangang mga relief goods at tiyaking nakahanda at maayos na mapapatakbo ang mga evacuation center.
Pinakilos na rin ng pangulo ang DPWH para magsagawa ng assessment sa pinsala ng mga kalsada, tulay, at iba pang mahahalagang imprastraktura at matiyak na bukas ang mga rutang kakailanganin para sa paghahatid ng kailangang tulong.