Maagang dumagsa ang mga mag-aaral kasama ang kanilang mga magulang at tagapag-alaga upang makiisa sa pagbubukas ng klase ngayong araw sa isa sa pinaka-modernong paaralan sa Lungsod ng Maynila, ang Dr. Albert Elementary School.
Ayon sa principal ng naturang paaralan na si Ma’am Cherry Magayon, naging maayos ang daloy ng pagpasok ng mga estudyante sa tulong ng mga guro, at school personnel.
Namataan din ng Radyo Pilipinas ang pagkaka-deploy ng mga Kapulisan na nakaalalay sa paligid ng paaralan.
Bakas sa mata at ngiti ng mga mag-aaral ang saya at kasabikan na pumasok sa eskwela matapos ang bakasyon.
Agad namang nagsagawa ng mga assembly activities ang mga guro para sa mga bagong estudyante at mga magulang.
Tiniyak ni Magayon na nakahanda ang buong pwersa ng Dr. Albert Elementary School ngayong unang araw ng klase gaya ng mga silid-aralan, learning materials, at iba pang pasilidad upang maging ligtas at komportable ang pag-aaral ng mga bata sa buong school year.
Kasabay nito, nagpaalala ang nasabing punong guro na panatilihin ang disiplina, paggalang, at pagsunod sa mga alituntunin ng paaralan upang maging maayos at produktibo ang kanilang pag-aaral.