Personal na nagsampa ng reklamong Grave Oral Defamation si Senador Erwin Tulfo laban sa tatlo sa 18 ex-marines, o tinaguriang “maleta boys,” sa Pasay City Regional Trial Court ngayong hapon.
Ito ay kaugnay ng pagdawit sa kanyang pangalan sa alegasyong isa umano siya sa mga tumanggap ng maleta-maleta umanong pera na may kaugnayan sa flood control scandal.
Giit ni Tulfo, walang basehan ang mga ibinabatong alegasyon laban sa kanya at layunin lamang umanong sirain ang kanyang pangalan dahil sa paniniwalang tatakbo siya sa isang pambansang posisyon sa 2028 elections.
Dagdag pa ng senador, malinaw umanong may posibleng nagpopondo sa grupo dahil paiba-iba ang kanilang mga pahayag. Aniya, upang matigil na ang usapin, sa korte na lamang umano dapat silang sumagot at magpaliwanag.
Ang tatlong kinasuhan ng senador ay sina Bernard Gumban, Rosebert Waupan, at Benny Bulontate, dahil sila umano ang nagdawit sa kanyang pangalan.
Samantala muli namang sinabi ng Senador na handa sya sa hamon ng maleta boys na mag-inhibit sa imbestigasyon ng Blue Ribbon Committe sa flood control bilang chairman ng komite.