Kinumpirma ng City Government of Davao na wala pang naitatalang nasawi sa Davao City kaugnay ng malakas na lindol na yumanig sa Mindanao ngayong umaga, batay sa pinakahuling update alas-5 ng hapon.
Ayon sa lokal na pamahalaan, wala pang naiulat na malaking pinsala sa mahahalagang imprastraktura kabilang ang mga sistema ng kuryente at tubig, mga pangunahing tulay, highway, at iba pang pasilidad ng pamahalaan.
Patuloy namang isinasagawa ng Office of the City Building Official o OCBO ang pagsusuri sa mga pribadong establisimyento at gusali upang matukoy kung may pinsalang dulot ng pagyanig.
Samantala, suspendido ang operasyon ng Roxas Night Market ngayong gabi bilang bahagi ng mga hakbang sa kaligtasan habang nagpapatuloy ang mga assessment sa lungsod.
Inaasahan ding maglalabas mamayang gabi ang City Government of Davao ng karagdagang anunsyo hinggil sa status ng trabaho at mga klase.
Nagpasalamat naman ang lokal na pamahalaan sa pakikipagtulungan ng mga Dabawenyo at hinikayat ang publiko na manatiling mapagmatyag at sumunod sa mga abisong ipalalabas ng mga awtoridad. | ulat ni Kate Laquihon-Lao
📷: City Govt. of Davao