Naisumite na ng 11-miyembrong House prosecution panel ang kanilang manifestation sa Senado, sa halip na pormal na tugon sa isinumiteng sagot ni Vice President Sara Z. Duterte sa Articles of Impeachment.
Isinumite ni House Secretary General Cheloy Garafil ang manifestation sa Senado ngayong umaga, na tinanggap ni Senate Secretary General Renato Bantug Jr. dakong alas-11:15 ng umaga.
Naipadala rin ang mga kopya nito sa Office of the Vice President at sa law firm na Fortun Narvasa & Salazar.
Sa limang pahinang dokumento, sinabi ng prosecution panel na muling nakatuon ang sagot ni Duterte sa mga usaping procedural, jurisdictional, at constitutional sa halip na magbigay ng detalyadong paliwanag kaugnay ng mga paratang laban sa kanya.
Ayon sa manifestation, hindi direktang tinugunan ng bise presidente ang mga alegasyon sa apat na artikulo ng impeachment, kabilang ang umano’y maling paggamit ng P612.5 milyong confidential funds, panunuhol, hindi maipaliwanag na yaman, at mga umano’y banta laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Iginiit ng mga prosecutor na bagama’t paulit-ulit na itinatanggi ni Duterte ang mga paratang, wala umano siyang iniharap na malinaw na salaysay o ebidensiya upang pabulaanan ang mga akusasyon.
Hinimok ng prosecution panel ang Senado na ituloy na ang impeachment trial at iwasan ang mga karagdagang pleadings na maaari lamang magdulot ng pagkaantala sa prosesong, ayon sa Konstitusyon, ay dapat isagawa nang walang pagkaantala.