Patuloy na binabantayan ng Department of Agriculture Western Visayas (DA WV) ang mga posibleng epekto ng very strong El Niño sa sektor ng agrikultura sa rehiyon.
Kasabay nito, naghahanda rin ang ahensya ng buffer stock para sa posibleng pangangailangan sa pagkain ng mga mamamayan, gayundin ng iba’t ibang suporta para sa mga magsasaka.
Ayon kay DA WV Regional Executive Director Dennis Arpia, kabilang sa mga inihahandang tulong ang pamamahagi ng angkop na binhi para sa mga sakahan na may sapat pang suplay ng tubig.
Dagdag pa ni Arpia, nagsagawa na ang ahensya ng paunang cloud seeding at patuloy nitong pinag-aaralan kung saan pa maaaring ipatupad ang naturang operasyon.
Patuloy rin ang pakikipagtulungan ng DA sa National Irrigation Administration (NIA) upang mapalakas ang irrigation capability ng rehiyon, kabilang ang pagtatapos ng Jalaur River Multi-Purpose Project (JRMP) II at pagtatayo ng mga solar-powered irrigation system.
Bagama’t hindi pangunahing mandato ng ahensya ang pamamahagi ng pinansyal na ayuda, sinabi ni Arpia na nagpapatuloy ang ilang programa ng pamahalaan na nagbibigay ng suportang pinansyal sa mga magsasaka. Kabilang dito ang Presidential Assistance to Farmers and Fisherfolks, indemnity claims mula sa Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC), at financial support sa pamamagitan ng KADIWA at Young Farmers Challenge.
Binigyang-diin ni Arpia na hindi na bago sa sektor ng agrikultura ang banta ng El Niño at panahon na upang yakapin ng mga magsasaka ang makabagong teknolohiya upang manatiling matatag at makasabay sa kompetisyon sa kabila ng pabago-bagong klima.