Inilahad ng Department of Energy (DOE) ang mga hakbang nito upang mapanatiling matatag at abot-kaya ang enerhiya sa bansa, sa kabila ng tumataas na demand at banta ng pandaigdigang krisis sa langis, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sa pagbubukas ngayong umaga ng Philippine Investment Energy Forum sa Pasay City ipinaliwanag ni Energy Secretary Sharon Garin ang mga hakbang ng DOE upang maiwasan ang matinding epekto ng oil price crisis sa presyo ng kuryente.
Kabilang dito ang mga hakbang upang matiyak ang maayos na distribusyon ng langis at maiwasan ang hoarding at iba pang untoward incidents sa suplay ng langis.
Ayon kay Garin, kabilang din sa naging aksyon ng pamahalaan ang pansamantalang pagsususpinde ng power market, na nakatulong upang maiwasan ang mas matinding pagtaas ng electricity rates na maaaring umabot sa ₱12 kada kilowatt-hour.
Ayon pa kay Garin, isinusulong din ng gobyerno ang pamumuhunan sa renewable energy and storage systems, sa ilalim ng Green Energy Auction Program, para matapyasan ang pagiging import dependent ng Pilipinas sa enerhiya.
Samantala, magpapatuloy ang serye ng mga pulong ng ASEAN Ministers on Energy Meeting dito sa Philippine International Convention Center o PICC. Kabilang dito ang 20th East Asia Summit Energy Ministers Meeting, na pinangungunahan ng Pilipinas bilang ASEAN 2026 Chair.