Hiniling ng prosekusyon sa International Criminal Court (ICC) na ibasura ang mosyon ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na limitahan sa 10,000 items lamang ang ebidensyang isiniwalat para sa kasong crimes against humanity laban sa kaniya.
Ayon sa prosecution, makatuwiran at may direktang kaugnayan sa kaso ang dami ng ebidensya dahil mahalaga ito sa pagpapatunay sa mga partikular na insidente at sa mas malawak na konteksto ng umano’y krimen laban sa mga sibilyan, habang itinanggi rin nito ang alegasyon ng depensa na ito ay isang “dumping of documents.”
Sa naunang mosyon ng depensa, isiniwalat nitong lumaki ang evidence disclosure mula 5,275 items noong confirmation phase tungo sa mahigit 62,000 items, na kinabibilangan ng higit 320,000 pahina ng dokumento, at mahigit 1,000 audio-visual materials.
Iminungkahi ng kampo ni Duterte ang pagbuo ng bagong case record na hindi lalampas sa 10,000 items upang mapanatili ang nakatakdang Nobyembre 30 trial date, ngunit iginiit ng prosecution na ang paglimita rito ay maaaring mag-alis ng mga material evidence na mahalaga sa paghahanap ng katotohanan.