Hindi kumbinsido ang House prosecution sa paliwanag na isinama sa “other personal properties” ang cash at iba pang assets ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay House impeachment team adviser at spokesperson Rep. Ace Barbers, nananatili umanong malaki ang discrepancy sa pagitan ng idineklarang assets sa SALN at ng mga financial records na iniharap sa impeachment trial.
Sinabi ni Barbers na kahit ipagpalagay na ang buong P15 milyon na “other personal properties” noong 2023 ay cash, hindi pa rin nito matutumbasan ang halaga ng bank balances.
Binigyang-diin niya na hindi umano nadedeklara nang malinaw ang cash-on-hand at cash-in-bank sa SALN.
Iginiit din ni Barbers na nananatili ang malaking halaga na kailangan umanong maipaliwanag.
Ipinapakita rin aniya nito na may sadyang pagtatangka na itago ang naturang yaman.