Photo courtesy of NIA ACIMO
Nakatutulong ang ₱16-milyong Solar Pump Irrigation Project (SPIP) ng National Irrigation Administration (NIA) sa Barangay Itaran, Polangui, Albay upang matiyak ang suplay ng tubig sa mga sakahan, lalo na sa harap ng epekto ng El Niño at posibleng pagkatuyo ng mga irrigation source. Saklaw ng proyekto ang 16 ektarya na pinakikinabangan ng 12 magsasaka mula sa Uswag Itaran Farmers Irrigators Association Inc.
Ayon sa NIA Albay-Catanduanes Irrigation Management Office, tumaas mula 30 kaban hanggang 45 kaban kada ektarya ang ani ng palay ngayong Wet Season 2026. Sinabi ni Arnel Reodique, presidente ng Uswag Itaran Irrigators Association Inc., na dagdag na 15 kaban kada ektarya ang kanilang naitala matapos magkaroon ng mas tuloy-tuloy na suplay ng tubig, kabilang ang panahon na karaniwang nakararanas sila ng kakulangan sa tubig.
Gumagamit ang proyekto ng renewable energy upang makapagbigay ng mas maaasahan at cost-efficient na irrigation supply, na mahalaga sa mga magsasaka kapag limitado ang tubig dahil sa matinding init at tagtuyot. Dahil nababawasan ang pagdepende sa fuel-powered pumps, maaari ring bumaba ang gastos sa produksyon habang napapanatili ang suplay ng tubig para sa pananim.
Bahagi ang SPIP ng mga hakbang ng NIA upang palakasin ang climate-resilient agriculture at maprotektahan ang produksyon ng pagkain laban sa epekto ng El Niño. Alinsunod ito sa pagsusulong ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng pagpapalawak ng solar-powered irrigation systems sa bansa upang mapababa ang gastos sa pagsasaka, mapalakas ang ani at makatulong sa food security.
Photos from NIA ACIMO