Nakatakdang bisitahin ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Kim Robert C. De Leon ang University of the Philippines (UP) Manila upang ipanawagan at ipakita ang patuloy na pagsisikap ng pamahalaan na mapalawak ang access ng mga mag-aaral na Pilipino sa libre at de-kalidad na mataas na edukasyon.
Ayon sa inilabas sa DBM, layunin ng opisyal na pagbisita na ipakitang ang pamumuhunan ng pamahalaan sa mga pampublikong unibersidad at kolehiyo (SUCs) ay hindi lamang nagtatapos sa pagbibigay ng access sa pag-aaral, kundi nagtitiyak din na may sapat at modernong silid-aralan, laboratoryo, teknolohiya, at mga pasilidad sa pagsasanay ang mga estudyante upang sila ay matuto, makipagsabayan, at magtagumpay.
Bilang pambansang unibersidad para sa health sciences, nagsisilbing kongkretong halimbawa ang UP Manila sa pagsasalin ng pampublikong pamumuhunan tungo sa mas magandang oportunidad sa edukasyon, habang tumutulong sa paghubog sa susunod na henerasyon ng mga doktor, nars, health professionals, siyentipiko, at mananaliksik sa bansa.
Sa nakatakdang inspeksyon, personal na titingnan ni Secretary De Leon ang ilang mahahalagang pasilidad ng unibersidad, kabilang ang:
- College of Allied Medical Professions Smart Classroom
- College of Nursing Simulation Laboratory
- College of Medicine Skills Laboratory
Ang mga nabanggit na pasilidad ay naglalayong magpalakas sa kalidad ng turo at hands-on training sa loob ng unibersidad.
Binigyang-diin din sa pahayag na sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na pamumuhunan sa pampublikong kolehiyo at unibersidad, patuloy na nagsisikap ang gobyerno na bumuo ng isang sistema kung saan ang katayuang pinansyal ng isang mag-aaral ay hindi magiging hadlang sa kalidad ng edukasyon at oportunidad na maaari nilang matamo.