📷 Kadiwa
Hindi matitigil ng dahil lang sa epekto ng El Niño ang pagpapaabot ng pamahalaan ng mga murang agri commodities sa publiko.
Ito ang tiniyak ni DA Spokesperson Assistant Secretary Arnel De Mesa sa pangamba ng ilan kasunod ng inaasahang matinding epekto ng “very strong” El Niño ay matigil na rin ang Benteng Bigas Program at murang mga bilihin sa Kadiwa ng Pangulo.
Ayon kay De Mesa, tuloy pa rin ang mga programang ito ng DA dahil atas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na matulungan ang mga nangangailangang Pilipino, at maiparating sa bawat hapag ang produkto ng mga magsasakang tinutulungan ng pamahalaan sa pamamagitan ng direktang pagbili sa kanilang mga produkto.
Mahalaga umanong mapanatili ang ganitong balance upang mahikayat ang agri sector na itaas pa ang produksiyon nito.
Sa halip na itigil ay mas pinalalawak pa ng DA ang mga lugar na naaabot ng Benteng Bigas Program at maging ng Kadiwa ng Pangulo Program, sa pamamagitan ng pagtatatag ng karagdagang outlets at pop-up stores sa buong bansa.