Arestado ang isang Chinese national habang kumpiskado ang nasa 160 kahon ng mga hinihinalang pekeng “MAGIC SARAP” o mga pampalasa na nagkakahalaga ng ₱896,000.
Ito’y sa ikinasang operasyon ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa Brgy. Bula, Cagayan de Oro City.
Ayon kay CIDG Director, Police Maj. Gen. Robert Morico II, nabatid ang naarestong Chinese national ang siyang may-ari ng tindahan at naaktuhang nagbebenta ng mga pekeng pampalasa.
Dahil dito, mahaharap ang naaresto sa kasong paglabag sa Republic Act 8293 o ang Intellectual Property Code of the Philippines dahil sa pagbebenta ng mga pekeng produkto.
Babala naman ng CIDG, maging mapanuri at kilatising maigi ang mga bibiling produkto dahil buhay at kaligtasan ang nakasalalay kung malalaglag sa patibong ng mga kawatan.
