Unti-unti nang naaayos ang dating lubak-lubak at tila ‘moon crater’ na Maysan Road sa Valenzuela City kasunod ng isinasagawang road rehabilitation ng DPWH.
Muling binalikan ngayong Huwebes (October 8) ni DPWH Sec. Vince Dizon kasama si Valenzuela Mayor Wes Gatchalian ang kalsada.
Aprub naman sa kalihim ang mabilis na usad ng road rehabilitation na nasa 35% nang kumpleto.
Katumbas ito ng humigit-kumulang 1.3 kilometro na napapakinabangan na rin ng mga motorista.
Ayon sa kalihim, gawa na sa reinforced concrete na may 30 sentimetro ang kapal ang Maysan Road para maging mas matibay at kayanin ang bigat ng mga dumaraang truck.
Kasama rin sa proyekto ang pagpapalawak ng mga inlet at drainage system sa Maysan Rd, na itutulad sa ginawa sa EDSA.
Target ng DPWH na makumpleto ang road rehabilitation sa Maysan Road bago mag-Pasko.
Kaugnay nito, patuloy ang pakiusap ng Valenzuela LGU sa mga negosyante at motorista kasunod ng trapikong dulot ng road rehabilitation.
Ayon kay Mayor Wes Gatchalian, patuloy na ipinatutupad ang truck ban para makatulong sa mas mabilis na pag-usad ng proyekto at maprotektahan ang bagong rehabilitasyong kalsada.