Photo courtesy of Department of Transportation
Kailangang i-restructure ang financing ng mga natitirang bahagi ng Cebu Bus Rapid Transit o Cebu BRT matapos mag-expire nitong Setyembre ang loan funding mula sa World Bank at French Development Agency [Agence Française de Développement], ayon sa Department of Transportation.
Sa pulong na ipinatawag ng House Committee on Flagship Programs & Projects, sinabi ng DOTr na habang hinihintay ang restructuring ng financing, magpapatuloy ang implementasyon ng mga natitirang proyekto sa pamamagitan ng posibleng public-private partnership o panibagong official development assistance funding.
Nagsimula noong Marso ngayong taon ang partial operations ng Cebu BRT at nasa 340-libong pasahero na ang naserbisyuhan nito sa unang tatlong buwan.
May kabuuang project cost na P28.77 bilyon ang Cebu BRT, kung saan P10.86 bilyon ang foreign-financed at P17.91 bilyon naman ang counterpart funding ng pamahalaan.
Kabilang sa mga natitirang component na naapektuhan ng pagtatapos ng loan funding ang ilang BRT stations, bus stops, depot, terminals, area traffic control at intelligent transport system.
Ayon sa DOTr, malaking bahagi ng counterpart funds ng gobyerno ay mapupunta sa right-of-way acquisition at settlement of taxes habang inaayos ang bagong financing modality para sa natitirang scope ng proyekto.