Tiniyak ng Department of Trade and Industry (DTI) na walang mangyayaring pagtataas o anumang paggalaw sa presyo ng basic necessities and prime commodities sa gitna ito ng banta ng El Niño at naranasang paggalaw sa inflation.
Sa panayam ng IBC kay Trade Secretary Cristina Roque, sapat ang suplay ng mga pangunahing bilihin at lahat ng ito ay walang naitalang paggalaw sa presyo.
Hindi rin nagpapabaya sa monitoring ang DTI at patuloy ang kanilang pagbabantay hinggil sa pagsunod ng mga pamilihan sa suggested retail price (SRP).
Wala ring rason para magpanic-buying dahil ang tanging idudulot lang nito ay ang artificial shortage ng mga bilihin bagay na iniiwasan ng pamahalaan.
Sapat din ang suplay ng bottled water na una nang pinangambahan ng mga consumer na kukulangin o mauubos dahil sa inaasahang epekto ng El Niño.
Una nang pinuntahan ng DTI ang mga manufacturer ng bottled water sa bansa upang tiyaking sapat ang imbentaryo ng mga ito at walang magaganap na kakulangan sa suplay ng bottled drinking water.
Makabubuti rin kung tutulong ang publiko sa pagbabantay upang mapanagot ang mga hindi susunod sa SRP.
Babala pa ng DTI sa mga establisyimento, groceries o alinmang pamilihan na mananamantala sa presyuhan at hindi susunod sa SRP, na haharap sila sa kaukulang parusa at papatawan ng multa oras na mapatunayang sila ay gumawa ng paglabag.