Nanawagan ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa mga lokal na pamahalaan, miyembro ng academe, media, negosyante, at iba pang sektor na magtulungan para protektahan ang bansa mula sa iba’t ibang banta.
Ito’y kasunod na rin ng mga nagbabagong anyo ng mga banta sa seguridad na nakaaapekto sa ekonomiya gayundin sa mga institusyon, supply chain, at maritime domain.
Sa isinagawang multi-sectoral information drive sa Alaminos City sa Pangasinan, binigyang diin ni PAOCC Executive Director, Undersecretary Benjamin Acorda Jr., bukod sa pagtatanggol sa teritoryo, dapat ding idepensa ang kumpiyansa ng publiko sa sariling bansa.
Maituturing niyang malaking banta ang panghihimasok at pagmamanipula ng mga banyaga sa Pilipinas na siya aniyang nagpapahina sa tiwala ng publiko hanggang sa magdulot ng pagdududa.
Kaya naman, sinabi ni Acorda na bawat sektor ay may pananagutan upang labanan ang ipinakakalat na naratibo para pagwatak-watakin ang mga Pilipino.
Pinakamalinaw na halimbawa rito ani Acorda ang pagpasok ng mga kontaminado at mapanganib na mga bakal na nakasasama sa kalusugan at kaligtasan ng mga Pilipino.