Pormal nang sinimulan ngayong October 7 ang Albay Coco Expo Year 5 na may temang “Paghubog at Pag-angat,” sa Ayala Malls Legazpi City, Albay.
Isinasagawa ang limang araw na trade fair mula October 7 hanggang 11, na naglalayong palawakin ang market reach at business opportunities para sa mga coconut farmers, farmer organizations at MSMEs, sa pamamagitan ng product promotions, buyer matching at skills development.
May 18 exhibitors na kalahok sa expo, kabilang ang mga coconut farmers, coconut farmer organizations, PCA-accredited organizations at cooperatives.
Kabilang sa mga nakatakdang aktibidad ang B2B at market negotiation ngayong October 8, technology innovation sa coconut-based food products sa October 9, at technology innovation sa coconut-based accessories sa October 10.
Pinangunahan ang aktibidad ng DTI-Albay Provincial Office, katuwang ang DTI Region 5, Philippine Coconut Authority at Ayala Malls Legazpi.
Ang Albay Coco Expo ay bahagi ng pagpapaigting sa industriya ng niyog at pagbibigay ng mas malawak na oportunidad sa mga lokal na producer at negosyante.