Pinabulaanan ng Department of National Defense (DND) na pinag-iinitan ang mga Chinese School sa gitna na rin ng masidhing pagtatanggol sa teritoryo ng PIlipinas.
Kasunod ito ng ulat na pag-alis ng nasa 150 guro mula sa Immaculate Conception Academy sa San Juan City at Jubilee Christian Academy sa Quezon City, para bumalik sa China.
Sa halip sinabi ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., pinuna niya lang ang Jinan University sa Guangzhou na konektado umano sa dalawang bagay.
Una ay sa paglalabas ng academic study na kumukwestiyon sa sovereign rights sa Batanes, at ang ikalawa ay sa pagsasanay ng Chinese teachers sa bansa.
Babala noon ng Kalihim, ginagamit ng Beijing ang mga guro sa tila paniniktik o pange-espiya sa mga paaralan.
Kasunod nito, ini-ulat din ng retired US military Colonel at Maritime Security Expert na si Ray Powell ang nasabing usapin pero iginiit ni Teodoro na may sarili silang pag-aaral.
Ginawa ni Teodoro ang pahayag bilang reaksiyon sa pagkundena ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines sa anila’y tila page-echo ng kalihim sa posisyon ng Amerika.