Pasado na sa ikalawang pagbasa sa Kamara ang panukalang ₱7.2-trillion 2027 General Appropriations Bill (GAB).
Nakapaloob na sa inaprubahang bersyon ng House Bill No. 10858 ang institutional amendments na isinumite ng Budget Amendments Review Subcommittee (BARSc), na nagkakahalaga ng ₱116 billion.
Kabilang sa mga amyenda ang karagdagang ₱500 million para sa School Safety and Security Program, ₱350 million para sa Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program, ₱32.06 billion para sa Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS), at ₱14.819 billion para sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) Program.
Nabigyan na rin ng pondo ang Fuel Subsidy Program, Service Contracting Program at NCR Busway Project, gayundin ang Presidential Assistance to Farmers and Fisherfolk, na pawang walang inilaan na pondo sa 2027 National Expenditure Program (NEP).
Inaasahang pagtitibayin ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa sa Lunes, October 12, ang panukalang pambansang pondo para sa 2027.