Binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kahalagahan ng patuloy na pagsusuri ng bansa sa lahat ng posibleng pamamaraan para sa long term energy security.
Ayon sa Pangulo, kailangang gawin ito lalo’t mangangailangan ng mas malaking suplay, abot-kaya at pangmatagalang pinagkukunan ng enerhiya ang mga bumabangong makabagong industriya gaya ng artificial intelligence, data centers, at advanced manufacturing.
Kaugnay nito, sinabi ng Pangulo na bibisitahin niya ang Singapore Nuclear Research and Safety Institute at malaman ang karanasan ng Singapore sa pagpapaunlad ng scientific at technical capabilities nito sa nuclear technology at safety.
Gagawin ng Pangulo ang pagbisita sa imbitasyon na rin aniya ng Temasek Foundation at Ayala Corporation.
Dagdag ng Pangulo na hindi lamang dapat nakatuon ang bansa na makahikayat ng investments, kundi kailangang tiyakin na mayroon ang Pilipinas ng mga kinakailangang elemento upang mapanatili at masuportahan ang mga investment sa mga susunod na taon.