Positibo si Philippine Ambassador to Singapore Medardo Macaraig na magbubunga ng mga bagong oportunidad sa aspeto ng pamumuhunan ang nakatakdang pagsasalita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Forbes Global CEO Conference sa Singapore ngayong umaga.
Sa Forbes Global CEO Conference inaasahang ilalahad ng Pangulo ang mga oportunidad at potensyal ng Pilipinas sa harap ng global business leaders.
Ayon kay Ambassador Macaraig, nasa may 450 top businessmen mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo ang dadalo sa naturang okasyon kung saan ay may pagkakataon ang Pangulo na ma-ipresenta ang mga investment opportunities sa Pilipinas.
Kaugnay nito, positibo si Macaraig na inaasahan ding magkakaroon ng mga follow-up meeting, kasunduan o agreement, at iba pang talakayan na maaaring maging resulta ng nasabing pagtitipon.
Makatutulong aniya ang mga ugnayang mabubuo sa working visit na ito ng Pangulo upang makapag-anyaya pa ng mas maraming investments at makalikha ng mga oportunidad na pakikinabangan ng mga Pilipino.