Bukas si Senate President Pro Tempore at Acting Senate President Sherwin Gatchalian na makipagdayalogo kay Senador Alan Peter Cayetano sa gitna ng leadership impasse sa mataas na kapulungan.
Iginiit pa rin kasi ni Cayetano na siya pa rin ang Senate President, samantalang naninindigan naman ang New Majority Bloc na si Gatchalian na ang Senate President Pro Tempore at Acting Senate President.
Sa isang Facebook livestream nitong weekend, una nang inimbitahan ni Cayetano si Gatchalian sa isang pagpupulong upang matuldukan na ang usapin kung sino sa kanilang dalawa ang tunay na lider ng Senado.
Samantala, sinagot din ni Senador Sherwin Gatchalian ang panawagan ni Cayetano na huwag magpagamit kaninuman.
Ayon kay Gatchalian, wala umanong nagpapagamit sa sinuman sa kanilang hanay.
Katunayan, aniya, ang mga miyembro ng New Majority Bloc ay nagsasagawa ng consensus-building, nag-uusap, at nagtutulungan.
At ang consesnsus aniya nila ngayon sa bagong New Majority Bloc ay ang pagbabalik sa trabaho ng Senado.