Nagpahayag ng pagkabahala ang unyon ng mga empleyado ng Senado, o ang Sandigan ng mga Empleyadong Nagkakaisa sa Adhikain ng Demokratikong Organisasyon (S.E.N.A.D.O.), para sa kapakanan ng mga Senate employee na naiipit sa leadership impasse sa mataas na kapulungan.
Sa isang pahayag, sinabi ng grupo na patuloy na ginagampanan ng mga kawani ng Senado ang kanilang mga tungkulin sa kabila ng kawalang-katiyakang dulot ng sigalot sa liderato ng Senado.
Binanggit din ng unyon na nagdulot ng pangamba sa mga empleyado ang mga kaganapan nitong Mayo, kabilang ang naiulat na pananakit sa isang miyembro ng Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA), ang insidente ng putukan sa loob ng Senado, at ang pagdami ng presensya ng mga awtoridad sa paligid ng gusali.
Pinunto rin ng grupo ang kalituhang dulot ng magkakaibang direktiba kaugnay ng trabaho at mga prosesong administratibo, gayundin ang umano’y pagbabanta sa ilang empleyadong tumulong sa pagdinig noong Hunyo 4.
Binigyang-diin ng S.E.N.A.D.O. na ang mga empleyado ng Senado ay nakatali sa batas at sa serbisyo publiko, at hindi sa anumang political loyalties o pansariling interes sa pulitika.
Umaasa ang grupo sa isang mapayapa, maayos, at legal na resolusyon sa sigalot sa liderato ng Senado.