Nagconvene na ngayong araw ang Senate Blue Ribbon Committee sa ilalim ng bagong pamumuno ni Senador Erwin Tulfo para sa organizational meeting.
Kasabay rin ng organizational meeting ay nagkaroon ng consultative meeting ang kumite kasama ang ilang mga opisyal ng gobyerno para pag-usapan ang updates sa isyu ng flood control anomaly.
Kabilang sa mga imbitado sa pagpupulong ang 18 ex-bodyguards at bagmen ni dating Congressman Zaldy Co, Atty. Levi Baligod at dating Congressman Mike Defensor pero hindi sila dumalo.
Kinadismaya ito ni Senate President Pro Tempore at Acting Senate President Sherwin Gatchalian dahil marami aniya sana siyang tanong sa mga ito.
Giniit ni Gatchalian na ito ang lehitimong meeting ng blue ribbon at kung naninindigan sila sa katotohanan ay dapat hindi sila pumili ng kung saan lang sila dadalo na pagdinig.
Tinawag naman ni Committee Chairman Erwin Tulfo na ‘hao shao’ o pekeng pagdinig ang ginawang pagpupulong ng blue ribbon committee ng Cayetano bloc noong huwebes, June 4 dahil ginawa ito labas sa senate rules at institutional processes.
Muli ring giniit ni Tulfo na walang basehan at walang katotohanan ang mga paratang laban sa kanya ng 18 ex-bodyguards na na-deliveran siya ng male-maletang kickback mula sa flood control projects.
Samantala, kahit nagtungo sa senate building, hindi pa rin dumalo sa meeting ng blue ribbon ni Senador erwin tulfo ang 18 ex-bodyguards.
Pagpasok ng senado ay dumiretso sa opisina ni Senador Robin Padilla ang labinwalo kasama ang kanilang abugado.
Kahit sinabing bababa rin sila sa blue ribbon meeting sa 2nd floor ay hindi na sila nakaabot dahil sinuspinde na ang meeting.
Una nang hinihiling ng grupo ng labinwalo, sa pamamagitan ng kanilang abugado na si Atty. Levi Baligod, na mag-inhibit sa flood control hearing si Senador Erwin Tulfo.
Bagay na handa aniyang gawin ng senador. | ulat ni Nimfa Asuncion