Mula sa suspensyon ng operasyon kaninang umaga, limitado na lamang muna ang landing at takeoff operations sa General Santos Airport matapos ang Magnitude 7.8 na lindol.
Ayon sa abiso ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), ipinatupad ang limitadong operasyon dahil sa mga pinsalang natamo ng ilang pasilidad sa paliparan dulot ng lindol.
Batay sa mga larawang ibinahagi ng CAAP, nasira ang ilang bahagi ng terminal, kabilang ang mga kisame at iba pang pasilidad sa loob ng paliparan.
Patuloy namang sinusuri ng mga awtoridad ang lawak ng pinsala, kabilang ang tinatayang halaga ng mga nasira at kung gaano katagal aabutin ang rehabilitasyon ng mga ito. Samantala, ang inilabas na Notice to Airmen (NOTAM) para sa limitadong operasyon ay epektibo mula alas-3:00 ng hapon ng Hunyo 8 hanggang alas-6:00 ng gabi ng Hunyo 11.