Patuloy pang nadaragdagan ang bilang ng mga napapaulat na casualties ng Magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Sarangani mula pa kahapon.
Ito’y ayon sa Office of Civil Defense (OCD), kasunod na rin ng pagpasok ng mga ulat mula sa kanilang Regional, Provincial, at Local counterparts.
Ayon kay OCD Deputy Spokesperson Diego Agustine Mariano, pumalo na sa 35 ang bilang ng mga napapaulat na nasawi dahil sa lindol kung saan, 31 rito ay mula sa SOCCSKSARGEN Region habang apat (4) mula sa Davao Region.
Nasa 144 naman ang napaulat na nasugatan habang apat (4) ang nawawala na pawang lahat ay mula sa General Santos City.
Gayunman, nilinaw ni Mariano na ‘subject for validation’ pa ang mga naturang bilang sa pangangasiwa ng Management of the Dead and Missing ng Department of the Interior and Local Government (DILG).