Tuloy-tuloy na rin ang monitoring at assessment ng Department of Agriculture (DA) sa posibleng epekto ng malakas na lindol sa Sarangani sa agri sector sa Mindanao.
Ayon sa DA, sa ngayon, wala pang naitatalang pinsala sa sektor ng agrikultura sa Regions 9, 10, 11, 12, at Caraga Region kaugnay ng lindol.
Pinasusuri na rin ng DA sa mga magsasaka ang kanilang mga sakahan kung may bitak sa lupa at pinsala sa irrigation systems, at idokumento ang anumang pinsala sa pananim at imprastraktura.
Kaugnay nito, inactivate na rin ng National Irrigation Administration (NIA) ang Dam Safety Group nito habang nagsagawa na rin ng inspeksyon ang mga regional office sa Mindanao sa kondisyon ng mga dam sa rehiyon.
Sa pag-iinspeksyon naman ng NFA sa ilang mga pasilidad nito sa Mindanao, may ilang sako ng bigas at palay na natumba habang may mga bahagi rin ng bodega na nagtamo ng pinsala dahil sa malakas na pagyanig.
Sa kabila nito, tiniyak ng NFA na walang nasugatan sa insidente at nananatiling ligtas at sapat ang kanilang rice stocks. | ulat ni Merry Ann Bastasa
📸 DA-DRRM, NIA, NFA


