Nakapagtala na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng halos 20,000 pamilya o katumbas ng 86,245 indibidwal na apektado ng malakas na pagyanig sa Mindanao.
Ayon sa DSWD, kabilang sa mga pinakaapektadong rehiyon ang Zamboanga Peninsula, Davao Region, at Soccsksargen
Sa kabuuang bilang, tinatayang 5,000 pamilya o ang kasalukuyang nananatili sa mga evacuation center habang may 270 pamilya ang nakikitira muna sa kanilang kaanak.
Puspusan na ring kumikilos ang DSWD para matiyak na may sapat na pagkain at iba pang ayuda para sa mga naapektuhang pamilya.
Personal ding nagtungo sa General Santos City si DSWD Secretary Rex Gatchalian para tutukan ang disaster response operations sa mga lalawigang tinamaan ng lindol.
Bukod sa pakikipagpulong sa mga lokal na opisyal at pamamahagi ng tulong, ininspeksyon din ng kalihim ang operasyon ng DSWD Mobile Kitchen at Mobile Command Center sa General Santos City.
Tiniyak naman ng DSWD na nakahanda ang mahigit ₱5.2 bilyong halaga ng relief resources na maaaring i-augment sa mga LGU.
Nakapresposisyon na rin ang relief supplies sa mga apektadong rehiyon kabilang ang 182,600 Family Food Packs (FFPs) at 19,941 non-food items (NFIs) sa Davao region at 143,614 FFPs at 9,980 NFIs sa SOCCSKSARGEN. | ulat ni Merry Ann Bastasa
📸 DSWD


