Binuksan na ng Department of Education (DepEd)–General Trias ang dalawang bagong multi-storey school building para sa School Year 2026–2027.
Kabilang dito ang apat na palapag na gusali na may 12 silid-aralan sa Navarro Elementary School sa Barangay Navarro.
Ayon sa DepEd, makikinabang sa bagong pasilidad ang halos 4,000 mag-aaral.
Inanunsyo rin ng ahensya ang planong gawing integrated school ang naturang paaralan, na magkakaroon ng karagdagang 32 silid-aralan sa mga susunod na taon.
Isinagawa rin ang turnover ng isa pang apat na palapag na gusali na may 16 na silid-aralan sa Luis Y. Ferrer Jr. West National High School sa Barangay Pasong Kawayan Dos.
Ayon kay Schools Division Superintendent Dr. Ivan Brian Inductivo, mahalaga ang mga bagong pasilidad upang matugunan ang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga mag-aaral sa lungsod. Bukod sa mga bagong gusali, nakalikha rin ang DepEd ng 260 teaching positions at nakapamahagi ng school supplies para sa humigit-kumulang 81,000 mag-aaral sa General Trias.