Hindi pa kailangan ng Pilipinas ang tulong mula sa ibang bansa sa pagtugon sa epekto ng malakas na lindol sa Mindanao sa ngayon.
Ito ay kahit may ilang bansa nang nagpahayag ng kahandaang magbigay ng ayuda.
Sinabi ni Office Civil Defense (OCD) Deputy Administrator for Administration Bernardo Rafaelito Alejandro IV na nakatanggap na ang pamahalaan ng mga pahayag ng suporta at kahandaang tumulong mula sa ilang bansa.
Gayunman, ginagamit pa aniya muna ng gobyerno ang sarili nitong mga resources upang tugunan ang agarang pangangailangan sa mga lugar na naapektuhan ng lindol.
Ayon kay Alejandro, handa naman ang Pilipinas na tumanggap ng international assistance sakaling pahintulutan ito ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. at ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC.
Ipinaliwanag din nito na nakikipag-ugnayan na sila sa mga bansang nagpahayag ng interes na tumulong upang maging handa kung kakailanganin ang kanilang suporta sa mga susunod na araw.
Bagama’t sapat pa aniya ang kasalukuyang resources ng pamahalaan para sa search and rescue at relief operations, posibleng maging mahalaga ang karagdagang tulong mula sa ibang bansa sa rehabilitasyon sa mga komunidad na sinalanta ng lindol. | ulat ni Diane Lear