Nagpadala ng tulong ang Philippine Red Cross (PRC) sa mga liblib na komunidad sa Sarangani na nahirapang maabot ng ayuda matapos na masira ang ilang tulay dulot ng magnitude 7.8 na lindol sa Sarangani.
Iniutos ni PRC Chairman Richard Gordon ang pagpapadala ng satellite phones, communication units, generators, water filtration systems, hot meals, at food packs sa mga apektadong lugar, partikular sa mga komunidad na na-isolate dahil sa pinsala sa imprastraktura.
Kabilang sa mga naapektuhang ruta ang Aquino Bridge sa Glan at Sapumalsa Bridge sa Malapatan na nagtamo ng pinsala matapos ang lindol, dahilan upang maging limitado ang access sa ilang komunidad sa Sarangani Province.
Ayon kay Gordon, nakatanggap sila ng mga ulat mula sa RC 143 volunteers na may mga komunidad na naging isolated dahil hindi na madaanan ang ilang tulay.
Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang PRC sa mga lokal na pamahalaan at partner agencies upang makapaghatid ng tulong sa mga komunidad na naapektuhan ng lindol. | ulat ni Diane Lear