Inaabangan ang isang simple at hindi magarbong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa darating na Hulyo 27.
Ito ang pahayag ni House Secretary General Cheloy Garafil sa isinagawang unang Inter-Agency Coordination Meeting sa Batasan Complex kaugnay ng paghahanda para sa ika-limang SONA ng Pangulo.
Kabilang sa mga dumalo sa pulong sina Garafil at Senate Secretary Renato Bantug, gayundin ang mga opisyal mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na may kaugnayan sa paghahanda para sa SONA, kabilang ang mga kinatawan ng Malacañang at Philippine National Police.
Binigyang-diin ni Garafil na dahil simple lamang ang gaganaping SONA, wala umanong red carpet, magagarbong gown, o iba pang marangyang kasuotan na taliwas sa karaniwang nakikita sa mga nakaraang SONA.
Inihanda na rin ang mga imbitasyon kung saan hinihikayat ang mga dadalo na magsuot ng simpleng Filipiniana para sa mga kababaihan at Barong Tagalog para sa mga kalalakihan simple ngunit marangal. Tiniyak naman ni Bantug ang buong kooperasyon ng Senado upang matiyak ang maayos at matagumpay na pagdaraos ng SONA.