doe
Tiniyak ng Department of Energy (DOE) na nananatiling matatag at sapat ang suplay ng langis sa Southern Mindanao sa kabila ng kamakailang magnitude 7.8 na lindol. Ayon sa ahensya, walang naiulat na pagkaantala sa fuel supply chain at sapat ang imbentaryo upang matugunan ang kasalukuyang pangangailangan.
Patuloy na normal ang operasyon ng karamihan sa mga depot, terminal, at LPG refilling plants sa Regions XI at XII. Sa tatlong import terminal sa General Santos City, dalawa ang operational habang ang isa ay sumasailalim sa minor repairs at inaasahang magbabalik-operasyon sa June 11.
Karamihan din sa mga gasoline station sa mga apektadong lugar ay bukas at nagbibigay-serbisyo. Sa kabuuan, 47 lamang sa libu-libong gasolinahan sa Regions IX, XI, at XII ang pansamantalang hindi operational dahil sa minor damage, pagkawala ng kuryente, o safety inspections.
Ayon kay Energy Secretary Sharon S. Garin, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng DOE sa industriya at mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang tuloy-tuloy na suplay ng langis. Hinikayat din niya ang publiko na huwag mag-panic buying dahil sapat at matatag ang fuel supply sa mga apektadong lugar.