Ipinahayag ni Akbayan Party-list Representative Perci Cendaña ang kanyang matibay na suporta sa panukalang magsagawa ng emergency session ang Kongreso upang agarang matugunan ang mga nakabinbing mahahalagang panukalang batas na hindi pa naaaksyunan sa mga nakalipas na linggo.
Ang panukala para sa emergency session ay unang iminungkahi ni Acting Senate President Win Gatchalian kasunod ng pagkaantala sa pagtalakay at pagpasa ng ilang priority measures, kabilang ang supplemental budget na nakalaan para sa pagtugon sa krisis sa Gitnang Silangan.
Ayon kay Cendaña, napapanahon ang pagsasagawa ng special session upang maisulong at maipasa ang mga urgent bills na matagal nang nakabinbin sa Kongreso.
Isa sa mga prayoridad na dapat talakayin, aniya, ay ang supplemental budget para sa agarang pagbibigay ng tulong sa mga Pilipinong apektado ng krisis sa Gitnang Silangan.
Umaasa rin ang mambabatas na maisasama sa agenda ng special session ang iba pang mahahalagang panukala, kabilang ang panukalang P200 minimum wage hike para sa mga manggagawa. Binigyang-diin ni Cendaña ang pangangailangang magpatupad ng mga hakbang upang maprotektahan ang kabuhayan at purchasing power ng mga Pilipino sa harap ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.