Paiigtingin ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at ng Philippine National Police (PNP) ang seguridad sa paligid ng Senado.
Ito ay kasunod ng mga ulat ng posibleng banta sa seguridad sa June 12 o Araw ng Kalayaan.
Sa mensahe sa media, sinabi ni DILG Secretary Jonvic Remulla na itinuturing nilang kritikal ang June 12 kaya’t hinihigpitan na ang pagbabantay sa lugar.
Ayon kay Remulla, raw intelligence pa lamang ang mga impormasyon na kanilang namo-monitor.
Gayunman, sinabi ng kalihim na binabantayan ng pamahalaan ang lahat ng grupong posibleng gumawa ng destabilisasyon.
Hindi naman nagbigay ng karagdagang detalye si Remulla hinggil sa partikular na banta o mga grupo na binabantayan ng mga awtoridad. Matatandaan sa isang panayam kay Acting Senate President o Senate Pro Tempore Win Gatchalian sinabi nitong mayroong mga impormasyon silang nakuha mula sa National Bureau of Investigation na mayroong mga banta na maaaring mangyari sa Senado.